Home » Page 2
"The people that knows their God shall be strong and do exploits..."

Daniel 11:32

THE KING IS COMING

October 10, 2007

  • Mark 11:1-10


INTRODUCTION:

Pumasok si Jesus sa Jerusalem at napakaraming tao ang sumalubong sa kaniya.  Inutusan niya ang kaniyang mga alagad na ikuha siya ng isang asno (donkey or colt) upang masakyan niya.  Ang mga tao ay tuwang-tuwa sa kaniyang pagdating at sa kanilang katuwaan ay nagdala sila ng mga palaspas, at inilagay nila sa daraanan ni Jesus ang kanilang mga damit.  Isang pagdiriwang ang naganap sa tagpong ito,sapagka’t naaalala ng mga tao ang hula ni Propeta Zacarias tungkol sa isang hari na darating: 

Zacarias 9:9  Magalak kang mainam, Oh anak na babae ng Sion; humiyaw ka, Oh anak na babae ng Jerusalem: narito, ang iyong hari ay naparirito sa iyo; siya’y ganap at may pagliligtas; mapagmababa, at nakasakay sa isang asno, sa isang batang asno na anak ng asnong babae. 

Sapagkat ang mga tao noon ay sabik sa isang hari.  Isang haring magpapalaya sa kanila laban sa kanilang mga kaaway.  Isang hari nalulusob at lalaban sa mga Romano.  Isang hari na mamumuno sa kanila na bubuo sa kanilang bansang nasakop.  Isang haring political ang iniintay nilang darating.  Ngunit sa tagpong ito malalaman ng mga tao na ang haring kanilang inaantay ay hindi isang haring political kundi isang haring spiritual na magpapalaya sa kanilang mga kasalanan at sa kasalanan nating lahat.

ANO ANG  MABUTING BALITA SA ATING EBANGHELIO NGAYON? 

1.         Ang inaakala mong plano ng Dios ay tiyak hindi niya plano para sayo.

- Nagkamali ang mga judio ng akalain nilang ang darating na hari ay isang political na hari ngunit ang dumating ay isang haring spiritual.

            - God is a God of surprises!

- Maaring may plano kang pangsarili sayong buhay, ngunit may plano ang Dios para sayo at kung ikaw ay tunay niyang anak, magaganap ang kaniyang plano tulad ng kaniyang ginawa kay Propeta Jonah.

- Marami tayong plano para sa simbahang ito, ngunit may plano ang Dios para sa simbahang ito, kaya minsan kahit anong gawin nating plano sa simbahang ito sa huli ang dios pa rin ang masusunod.

-  Maaring gawin mo ang lahat ng mga pansarili mong plano sa buhay nguni’t sa banding huli kapag pagod kana at lupaypay, at nagawa mo na lahat ng gusto mo, sa banding huli luluhod ka rin sa dios at sasabihin mong suko na ko, ikaw na ang masunod sa buhay ko. 

2.         Kilalanin mong Hari si Jesus ng iyong buhay.

-  Kinilala ng mga judio si Jesus bilang hari pero nagkamali sila ng pagkakilala.  Sa kaniyang unang pagdating siya ang haring Spiritual na dumating upang iligtas tayong lahat sa ating mga kasalanan.  Sa kaniyang ikalawang pagparito siya ay darating bilang Hari ng mga Hari at Panginoon ng mga Panginoon at siya ang mamahala sa buong sangsinukob.  Hindi ito naunawaan ng mga judio.  Wala silang pakiaalam sa kanilang spiritual na kalagayan ang pakialam lang nila ay ang kanilang political na kalagayan.

-  Tulad ngayon sa ating bansa, mas mahalaga pa ang political na mga isyu kaysa isyu ng kaluluwa, mas mahalaga pa sa kanila ang isyu ng PEOPLES INITIATIVE kaysa PEOPLES SALVATION,  mas mahalaga pa sa kanila ang pagpapalit ng gobierno kaysa sa pagapapalit ng ugali, mas mahalaga pa sa kanila ang pagreresign ni Gloria, sa halip na pagreresign sa ating mga kasalanan.  Hanggang hindi nagkakaroon ng pagbabago sa spiritu ang mga taong nakaupo sa pamahalaan walang pagbabagong magaganap.  Kapag hindi si Jesus ang Hari ng lahat ng kmga puso ng nasa loob ng gobierno kahit sino iupo mo matutukso paring maging corrupt.

-  Maraming nagsasabing “tinatanggap kita bilang panginoon, tagapagligtas at hari ng aking buhay” pero bakit marami pa rin ang hindi nagbabago?  Alam mo ba ang ibig sabihin ng HARI?  Ibig sabihin ng hari siya ang taong sumasakop sayo, nagpapasunod sayo, susundin mo, amo mo, boss mo, panginoon mo, pero marami sa atin tayo pa rin ang nasususnod.  Kaya sino ang hari? Si Jesus o ikaw? Kung sabihin ng jowa mo honey magdate na lang tayo wag kana magsimba, sino ang hari? Si jesus o ang Jowa mo?  Kung sabihin ng mga kaibigan mo nakakadepress naman jan sa simbahan nay an puro na lang problema wag kanang magsimba jan, sino ang hari? Barkada mo o si Jesus?

- Ikaw tinatanong ka ngayon ni Jesus, Anak ako ba talaga ang hari ng puso mo?  Anak ako ba talaga ang hari ng buhay mo?  Anak ako ba talaga ang susundin mo?

 

3.         Ilatag mo ang iyong damit para sa hari.

- Ang mga judio nung makita ang pagdating ni Jesus ay inilatag ang kanilang damit at ito ay dinaanan ni Jesus.  Ikaw kaya mo bang hubarin ang iyong damit sa init ng araw upang may malinis na madaanan si Jesus?  Handa mo bang ilatag ang magara mong damit sa alikabukan upang daanan lamang ni Jesus?

- Ang damit ay simbulo ng mga bagay na ating ginagawa ayon sa aklat ng pahayag.  Handa mo bang iwanan ang iyong mga gawain kapag tinatwag ka ni Jesus?  Handa mo bang ibigay ang asno dahil kailangan ito ng Panginoon?

 

4.        Gayahin natin ang pagpapakanbaba ni Jesus.

            -  Sinasabi sa hula ni Propet Zacarias 9:9 tungkol sa pagdating ni jesus na naksakay sa asno na: 

Zacarias 9:9  Magalak kang mainam, Oh anak na babae ng Sion; humiyaw ka, Oh anak na babae ng Jerusalem: narito, ang iyong hari ay naparirito sa iyo; siya’y ganap at may pagliligtas; mapagmababa, at nakasakay sa isang asno, sa isang batang asno na anak ng asnong babae.”

-         Sa ating ikalawang pagbasa nakita natin kung paanong nagpakababa ang ating panginoong jesus bagamat siyay dios hindi niya inaring maging kapantay ng Dios sa halip ay hinubad niya ito at naganyong alipin, nakitulad sa ating mga tao hanggang sa kamatayan sa Cruz.  Ito ang tunay na kahulugan ng pagpapakababa.

-         Ang pagpapakumbaba ay hindi lamang yung marunong kang humingi ng sory.  Ang pagpapkababa ay hindi lamang yung marunong kang magsabi ng PO at OPO.  Ang pagpapakababa ay hindi lamang yung inaaway kana eh hindi ka pa rin kumikibo.  Ang tunay na pagpapakababa ay ang pagbaba sa mataas mong kalagayan.  Madalas nating sabihin ang mga katagang I WILL NOT STOOP DOWN TO YOUR LEVEL.  But jesus did that he stooped down to our level to save us.

-         Ang tunay na pagpapakumbaba ay ang maging alipin ka at ang matutunan mong magsakripisyo para sa iba.  Ito ang tunay na kahulugan ng humbleness.  Sadly enough to say, marami ang nagsasabing sila daw ay humble pero hindi naman marunong magsakripisyo.  Maraming nagsasabing hindi daw sila mayang pero they will not stoop down to their level.  Gayahin natin si Jesus, imbis na sumakay sa kabayo, sumakay sa asno.  Bagamat Dios hinubad ang pagka-Dios at nagging tao.  Nung maging tao pinahirapan at namatay sa Cruz na sumusunod sa Dios.

 

CONCLUSION:

Tayo ngayon ay pumapasok sa isang panibagong yugto ng ating simbahan na kung saan, hinahawi ng Dios ang mga bagay na masasama,  inaalis ng Dios ang mga damo, inililitaw ang tunay na anak at ang mga nagaanak-anakan lamang, inihihiwalay ang mga tupa at kambing.

 Oras na upang ibalik natin ang tunay na hari ng simbahang ito.  Hindi IPl, hindi BOD, hindi members ang hari sa simbahang ito.  Ganyan ang ginawa noon sa simbahang ito kaya muntik na itong mawasak.  Nang subukang maging hari ng isa, nagkagulo, nung subukang maging hari ng marami, nagkagulo pa rin.  Pero si Jesus na siyang tunay na hari ng simbahang ito ay naiwan sa isang tabi.

 ANG MASAMANG BALITA:  Kung ikaw ang magiging hari ng sarili mong buhay walang puwang si Jesus sa puso mo.  Kung ang nasususnod sa yong buhay ay ikaw, ang pamilya, ang jowa, at ang ibang tao, walang puwang si Jesus sa puso mo.  Kung ang nasusunod ay ang opinion ng ibang tao sa halip na ang Dios, walang puwang si Jesus sa puso mo.  Kung marami kang dahilan, alinlangan, pangangatwiran, walang puwang si jesus sa puso mo.  Ang impierno ay hindi puno ng mga taong makasalanan kundi mga taong walang tunay na hari sa kanilang mga puso.

 ANG MABUTING BALITA:  Kung magdesisyon ka ngayong gawing hari si Jesus ng iyong puso at buhay, may pagkakataon ka pa para sa buhay na walang hanggan. Remember, Jesus stooped down to your level to save you.  Kung mangangako ka sa kaniya na siya ang masusunod sayong buhay, may pag-asa ka pa para sa buhay na walang hanggan.  Kung ilalatag mo ang iyong mga damit at kakalagan ang asno para sa kaniya may pag-asa ka pa para sa buhay na walang hanggan.

Posted by regen at 4:40 pm | permalink | View this entry