Daniel 11:32
My Testimony about MCC Philippines
October 10, 2007
Alam ko na noong bata pa ako kung ano talaga ako, pero itinatanggi ko at hindi ko kayang tanggapin na ganoon nga ako. Lumaki akong medyo mahinhin at lagi na lang akong napapaaway sa school dahil lagi nila akong tinutuksong bakla pero ayokong tanggapin. Noong ako ay high school na naghanap ako ng sari-saring paraan upang matanggal ang aking pagiging bakla, at dito nagsimula ang aking walang katapusang paghahanap ng isang solution sa inaakala kong sakit.
Me and my mom when i was in high school
Napunta ako sa napakaraming religion, nagpapalit-palit ako ng simbahan sa pagaakalang ito ang makatutulong sa akin upang ako ay gumaling. Lahat ng bagay ay ginawa ko upang ako ay magbago, hindi na ako sumama sa mga dati kong kaibigan at nagconcentrate na lang ako sa pagsisilbi sa Dios, nagprayer and fasting ako ng isang linggo, nagundergo ako ng mga tinatawag nilang “deliverance seminar” at kung ano-ano pang mga seminars na sinasabi nilang gagaling ka sa iyong pagiging bakla, sa huli nanligaw ako at nagkaroon ng mga girl friends noong ako ay nasa college na upang takasan ang pagiging bading ngunit wala pa ring nangyari.
Isang araw may nakachat akong dating member ng MCC Philippines at niyaya niya akong magsimba sa MCC pero nangako lang ako pero hindi ako nagpunta. Nagdesisyon akong pumunta sa MCC siguro mga August pa ng year 2000, kasi active ako noon sa isang Born Again na simbahan. Nagpunta ako upang magsuri at tignan kung ano nga ba ang simbahang ito, at bumalik ako ng bumalik hanggang sa naging kaibigan ko ang kanilang Pastor na si Pastor Edgar Mendoza. Marami akong natutunang mga aralin mula sa kaniya at madalas kong hinhiram ang mga libro niya na galing America upang mapag-aralan ko, naging keyboardist ako hanggang sa naging Assitant Pastor in Training.
Pastor Edgar Mendoza, members and me in dark green t-shirt with wolf’s head print
Masayang-masaya ako noon sa MCC Manila dahil sa wakas natagpuan ko na ang kasagutan sa aking matagal ng hinahanap, na hindi pala kasalanan ang maging bading ayon sa Biblia at hindi rin ito karamdaman na kailangang pagalingin ayon sa Science. Katulad ng maraming simbahan ang MCC Manila ay hindi nakaligtas sa maraming problema, nagkaroon ng napakalubhang problema ang simbahan, nataon namang ako ay nasa Zamboangga upang ihatid ang bangkay ng aking tita na namatay sa sakit na cancer. Naging malala ang problema ng MCC hanggang sa nahati ito at nagkawatak-watak ang mga unang members.
Naglagay ng mga bagong pamunuan ang America sa MCC at kabilang sana ako roon ngunit dahil sa nadesmaya na ako sa mga dating members, pansumandaling nawala ang aking pananampalataya. Ang sabi ko sa sarili ko kung ganito rin lang ang smbahang ito ay mas mabuti pa yatang magtago na lamang ako at bumalik na lang sa aming dating simbahan at maglingkod sa Dios. At ganoon nga ang ginawa ko. Bumalik ako sa dati kong simbahan ngunit ayaw ko na ring maglingkod ang gusto ko na lamang ay magsimba. Ngunit ang aming Pastor ay may iba palang plano para sa aking buhay, ipinahiram niya muna ako sa ibang simbahan na walang nagpipiano sa kanila at namalagi ako roon sa loob ng 2 taon.
Ngunit ang Dios ay hindi tumigil ni hindi sumuko sa akin, isang araw kinausap ako ng aming Pastor at sinabi niyang isang Pastor na Amerikano ang nagsabi sa kaniya na ako raw ay isang bading at member ng MCC sa Manila. Ang itinatago ko sana ay lumitaw sa di ko inaasahang panahon. Inalam ko kung sino itong Pastor na ito at nalaman ko ang kaniyang number at nakipagusap ako sa kaniya. Ang sabi niya sa akin, ano daw ang ginagawa ko sa isang simbahang para sa mga heterosexual? Bakit hindi raw ako bumalik sa MCC? Hindi ko talaga makalimutan hanggang ngayon ang mga salitang yon.
Nagisip akong mabuti kung ano ang aking gagawin, kakainin ko ba ang pride ko at babalik sa MCC o mananatiling magtago na lamang kahit hindi ako masaya sa simbahang aking pinagtuturuan? Hanggang sa isang araw nagdesisyon akong magpaalam na sa simbahang ito, at ito ang pinagmulan ng hindi namin pagkakaunawaan ng aking Pastor, alam kong ayaw niya akong umalis, at may bahagi rin naman sa puso ko na ayaw kong umalis, ngunit nararamdaman kong kailangan kong umalis dahil sa tingin ko iyon ang kalooban ng Dios. Sa madaling salita nagaway kami ng Pastor na ito, nagkasagutan sa cell phone and the rest is history.
Nagdesisyon akong bumalik sa MCC, kinain ko ang pride ko, nagpakumbaba at noong panahong iyon ay naghahanap sila ng papalit Kay IPL Jojo kasi siya ay bababa na. Ayaw ko pa talaga sana kasi kababalik ko lang at isa pa gusto ko munang magsimba at maglingkod na lang na keyboardist kaysa sa magpastor. Ngunit kalooban nga talaga siguro ng Panginoon, noong matapos ang election at mga proceso ng election ako ang napiling susunod na IPL.
IPL CJ, me, IPL Jojo during my appointment as IPL of MCC Philippines
Ikatlong taon ko na ngayon sa pwesto bilang IPL ng MCC Philippines, marami akong natutunanan, magpasensiya, magpatawad, magpaluwag, umintindi at umunawa, ngunit higit sa lahat ang magmahal lalo na sa mga taong pasaway. Hindi ko pa alam kung hanggang kailan ako sa pwestong ito na pinaglagyan sa akin ng Panginoon, ang alam ko lang nagawa ko ang kalooban ng Dios sa aking buhay.
Salamat sa Dios at salamat dahil ibinigay niya ang MCC para sa ating community dito sa Pilipinas.
All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.





